Blood Chemistry

Depende sa pag gagamitan ng dugo at sa uri ng eksaminasyon, iba-iba ang lalagyang paglalagyan ng nakolektang dugo. Ang uri ng vial o lalagyan ay maaring maglaman ng ilang kemikal na siyang dahilan ng kanilang pagkakaiba.· Kung ang CBC ay nakalagay sa lalagyang may kulay ubeng takip, ang PT/PTT ay ginagamitan ng lalagyan na may asul o bughaw na takip. Ang isang vial o lalagyan na walang halong kemikal ay mayroong pulang takip. Tinatawag rin itong plain vial. Mahalagang malaman ang kulay ng takip, uri ng lalagyan, at kaukulang eksaminasyon na gagawin upang hindi magtaka kung saan ilalagay o kung ano ang pag gagamitan ng dugong kinukuha sa inyo. Muling paalala, ang dami ng dugong kailangan ay depende rin sa uri ng lab exam na gagawin. Ngunit isang mahalagang aspeto rin ay ang laki o kapasidad ng vial o lalagyan na mayroon. Halimbawa, sa merkado, mayroong 5mL (halos kasing dami ng isang kutsarita) 3mL, 2mL, at 0.5mL na lalagyan ng dugo (vial) para sa CBC. Ang dami ng dugo na kukunin sa pasyente ay kasing dami rin ng nakatakdang sukat sa vial. Ito ay upang maiwasan ang maling resulta dahil sa kakulangan ng nakatakdang dami ng sampol.

Image Source: www.freepik.com

Blood Chemistry

Maraming elemento ang nasa ating dugo. Maraming masusukat mula sa mga kemikal na nasa dugo. Mula sa resultang makukuha sa Blood Chemistry, malawak na impormasyon ang maibibigay nito sa inyo at sa inyong doktor.

  • Electrolytes – Sabihin na lamang natin na ito ang “asin” sa ating katawan. Ilan sa kalimitang electrolytes an sinusukat ay ang Sodium (Na), Potassium (K), at Chloride (Cl), Calcium (Ca). Mahalaga ang electrolytes dahil ito ang tumutulong upang maisagawa ng ating katawan ang mga dapat gampanang trabaho gaya ng pag galaw ng kalamnan, paglinis ng katawan, pagtibok ng puso, at marami pang iba. Mula sa resulta nito, maari ring malaman ang hydration status ng katawan (kung kulang o sobra ang tubig), at kung may problema sa bato kidney) ang isang tao.
  • Liver Enzymes – Alam nating mahalaga ang ating atay. May mga kemikal dito na nangangalaga sa ating pangkabuuang kalusugan dahil ito ang nagsisilbing taga “linis” ng ating katawan. Ang mga liver enzymes na ito ay ang ALT (SGPT) at AST (SGOT). Ang mataas na ALT (Alanine Aminotransferase) o AST (Aspartate Aminotransferase) ay maaring dulot ng alkohol, pag inom ng gamot, problema sa dugo, impeksyon, tumor, o hepatitis.
  • Blood Urea Nitrogen (BUN), Creatinine – ang mga eksaminasyong ito ang sumusukat sa kakayanan ng bato na linisin ang katawan. Sa mga may problema sa kidney, makikitang mataas ang resulta nito.
  • Kolesterol – Kasama ang eksaminasyong ito sa tinatawag na Lipid Profile. May tinatawag tayong masamang uri ng cholesterol o bad cholesterol. Ang medikal na tawag dito ay Low Density Lipoprotein (LDL). Ang mataas na LDL ay sinasabing kaugnay ng mga atake sa puso. Mainam na mas mababa pa sa 100 mg/dL ang LDL. Ang good cholesterol o mabuting klase ay tinatawag na High Density Lipoprotein (HDL). Makatutulong upang makaiwas sa sakit sa puso ang mataas na HDL. Ang target na resulta sa HDL ay higit pa sa 40mg/dL.
  • Glucose – Glucose ang tawag sa asukal sa dugo. Ang glucose ang siyang sinusukat upang malaman kung may diabetes ang isang tao. Kapag masyadong mataas, maaring may problema sa lapay o may sakit na diabetes ang pasyente. Maari rin namang kinuha ang Glucose Test ilang minuto pa lamang matapos kumain ng marami. Hindi rin maganda kung masyadong mababa ang glucose level. Maaring manghina ang isang indibidwal na mas mababa pa sa normal ang asukal sa dugo. Para sa mga Pilipino, mainam na ang Fasting Blood Glucose (FBS) ay nasa 70-100 mg/dL ngunit depende pa rin ito kung may di magandang sintomas na nararamdaman. Isangguni sa doktor ang inyong nararamdaman upang malaman kung ang target na FBS ay tama lamang sa inyo.

Karagdagang kaalaman: Ang Fasting Blood Glucose at Lipid profile ay nangangailangan ng hindi bababa sa walong oras na pagaayuno sa kahit anong pagkain o inumin maliban na lamang kung tubig. Ito ang tinatawag na NPO o nullas per orem. Ibig sabihin, bawal ang kahit anong dadaan sa bibig gaya ng pag inom ng juice, kape, cola o pagkain. Kahit ang pagnguya ng bubble gum o pagsipsip ng kendi ay hindi dapat gawin bago makuhanan ng dugo kung nangangailangan ng fasting.