Ubong-Dalahit (Pertussis)

Gamot at Lunas

Tulad ng naunang nabanggit, mayroon nang bakuna para sa ubong-dalahit o pertussis. Ito ay tinatawag na DTaP o DPT. Para sa lubos na bisa, kailangang maibigay ang tamang dosis ng bakunang ito sa mga sanggol at bata. Subalit, maaari pa ring bigyan ang mga matatanda ng bakuna laban sa ubong-dalahit. Ang bakunang ito, na tinatawag na Tdap, ay mas mababang dosis at puwedeng ibigay sa mga batang edad 11 pataas at sa mga matatandang aabot sa 64 taong gulang.

Ipinapayo rin sa ilang pagkakataon na bigyan ng Tdap ang mga matatanda kahit na nabakunahan na sila noon ng DTP. Ito ay upang magsilbing booster at mapagtibay ang proteksiyon ng naunang bakuna. Kadalasan ay mga babaeng buntis at mga may-edad ang binibigyan ng karagdagang dosis ng Tdap.

Kahit sino ay puwedeng mabakunahan laban sa pertussis kung wala namang alerhiya o iba pang sakit na pumipigil sa pagpapabakuna. Gayunman, dapat tandaan na kahit ikaw ay nabakunahan na laban sa ubong-dalahit, puwede ka pa ring magkaroon ng sakit na ito, lalo na kung lumaganap na ang sakit sa komunidad. Ang magandang balita rito ay hindi magiging malala ang iyong kaso ng pertussis kung nakatanggap ka ng tamang dosis ng bakuna.

Maagang Paggamot sa Ubong-Dalahit

Kung sakaling magkaroon ng ubong-dalahit, susi ang maagang pagbibigay ng gamot, lalo na para sa mga sanggol upang hindi lumala ang sitwasyon. Sa katunayan, ipinapayo ng mga doktor na bigyan na agad ang pasyente ng antibiotic laban sa ubong-dalahit bago pa man lumabas ang diagnosis. Ginagawa ito kung ang clinical history ng pasyente nagpapahiwatig ng mataas na panganib na magkaroon ng ubong-dalahit o kaya naman ay mayroong mataas na panganib sa malalang sakit at iba pang komplikasyon.

Ang pinakamainam na oras ng pagbibigay ng gamot ay isa hanggang dalawang linggo bago pa man magsimula ang sunud-sunod na pag-ubo. Kung lalagpas ng tatlong linggo bago maibigay ng gamot, halos wala na itong bisa. Bagama’t wala na ang bacteria sa katawan ng pasyente sa panahong ito, magpapatuloy pa rin ang mga sintomas dahil nakapagdulot na ng pinsala ang bacteria sa katawan.

Bukod sa mismong pasyente, ipinapayo rin ng mga dalubhasa na bigyan ng antibiotic ang mga taong nakasalamuha ng pasyente. Ginagawa ito upang mabawasan ang panganib na makahawa at maiwasan rin ang pagkakaroon ng malalang kaso ng ubong-dalahit.

Gayundin, ang sinumang may ubong-dalahit ay kinakailangang ibukod o i-isolate sa loob ng ilang araw hanggang ilang linggo hanggang sa sila ay ganap na gumaling. Ito ay upang maiwasan na makahawa sa iba.

Mga Antibiotic Para sa Ubong-Dalahit

Image Source: www.freepik.com

Para sa mga batang may edad na isang buwan pataas, ang mga antibiotic na macrolides erythromycin, clarithromycin, at azithromycin ang pinakamadalas at pinakamabisang gamitin laban sa ubong-dalahit o pertussis. Puwede ring gamitin bilang kapalit ng macrolides ang trimethoprim-sulfamethoxazole kung umabot na sa dalawang buwan pataas ang edad ng sanggol.

Para sa mga matatanda, parehong mga gamot pa rin ang ipinapayong inumin laban sa ubong-dalahit. Kaya nga lamang, kailangang maging mas maingat sa pag-inom ng azithromycin. Mayroon kasing mga pag-aaral na nagpakitang puwedeng maapektuhan ng azithromycin ang tinatawag na electrical activity sa puso na maaaring magdulot ng pagpalya ng tibok ng puso. Kung ang pasyenteng may pertussis ay mayroon ding sakit sa puso, itanong sa doktor kung ano ang pwedeng alternatibong antibiotic o gamot ang puwedeng inumin.

Pagpapa-Ospital Kung May Ubong-Dalahit

Image Source: www.freepik.com

Kadalasan, puwedeng gamutin ang ubong-dalahit sa bahay. Kailangan lamang matiyak na naka-isolate ang pasyente upang mapigilan ang pagkalat ng bacteria. Subalit, kung nahihirapang huminga ang pasyente, puwedeng irekomenda ng doktor ang pagpapa-ospital. Mga sanggol at bata ang madalas na nangangailangan nito dahil hindi pa sila marunong maglabas ng plema at hindi pa ganap ang pagkabuo ng kanilang mga baga.

Kung kinakailangan, mayroong kagamitan para mahigop ang plema palabas ng baga. Minsan ay binibigyan din ng oxygen at ipinapasuwero ang pasyente kung nahihirapan itong huminga at kumain. Para sa mga nagbabantay sa pasyente, tiyakin ang kalinisan ng kuwarto sa ospital at ugaliing maghugas ng kamay.

Mga Lunas sa Ubong-Dalahit

Image Source: www.sleepfoundation.org

Hindi ipinapayong bigyan ng pangkaraniwang gamot sa ubo ang mga pasyenteng ubong-dalahit, lalo na kung sila ang edad ay mas bata sa apat na taon. Bigyan lamang ng gamot sa ubo ang pasyente kung ito ay iniutos na ng doktor.

Kung hindi naman kailangang ipa-ospital ang kaso ng ubong-dalahit, sundin ang mga sumusunod na payo upang maginhawahan ang pasyente at maiwasan ang paglala at pagkalat ng sakit:

  • Sundin ang tamang oras ng pag-inom ng gamot. Kahit wala nang sintomas, siguraduhing ubusin ang iniresetang antibiotic para sa lubusang paggaling. Tandaan din na ang maling pag-inom ng antibiotic o hindi pagtatapos sa kurso ng gamutan ay maaaring magdulot ng tinatawag na antibiotic-resistant bugs na mas mahirap puksain gamit ang mga pangkaraniwang gamot.
  • Gumamit ng vaporizer kung nahihirapang huminga ang pasyente. Napaluluwag ng singaw kapit ng plema sa baga at napapagiginhawa rin ang ubo. Huwag lagyan ng pabango ang usok upang hindi mairita ang ilong at lalamunan ng pasyente.
  • Panatilihing malinis ang bahay, lalo na ang kuwartong pinaglalagian ng may sakit. Ang usok, alikabok, amoy ng mga kemikal, at sobrang pabango ay ilan lamang sa mga puwedeng makapagpalala at magdulot ng pag-ihit ng ubo ng pasyente. Kung may kasama sa bahay na naninigarilyo, siguraduhing hindi malalanghap ng pasyente ang usok.
  • Maghugas nang mabuti ng mga kamay, lalo na kung bibigyan ng gamot o pakakainin ang pasyente. Matapos ng mga gawaing ito, maghugas muli ng mga kamay upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.
  • Painumin ang pasyente ng maraming tubig at iba pang likido tulad ng mga katas ng prutas. Puwede rin silang pahigupin ng sabaw at pakainin ng makatas na prutas tulad ng pakwan at melon. Ito ay para maiwasan ang dehydration.
  • Bantayan ang pasyente para sa mga sintomas ng dehydration, tulad ng panunuyo ng labi at bibig, madalas na pagka-uhaw, at labis na pagka-antok o kapaguran. Sintomas din ng dehydration ang sakit ng ulo, panghihina, at pagkahilo. Kung sanggol pa ang pasyente, bantayan ang kanilang pag-ihi at bilangin kung ilang lampin o diaper ang napupuno sa maghapon. Panghuli, pansinin din ang pag-iyak ng sanggol; kung wala o kakaunti ang luha, senyales ito ng dehydration.
  • Pakainin nang unti-unti ang pasyente upang maiwasan ang pagsusuka, na lalong makaiirita sa lalamunan at puwedeng magpalala at magpadalas ng pag-ubo.