Gamot at Lunas
Image Source: www.cnet.com
Mayroong iba’t ibang paraan para mabigyang lunas ang mga sintomas ng sleep apnea. Depende sa kondisyon, maaaring irekomenda ng doktor ang mga sumusunod:
- Pag-inom ng gamot. Depende sa pangangailangan, ang doktor ay maaaring magreseta ng gamot pampatulog, gamot pampagising, at gamot sa paghihilik.
- Gamot na pampatulog. Upang maging mahimbing ang pagtulog sa gabi, pwedeng magreseta ang doktor ng benzodiazepine (triazolam, lorazepam, diazepam), barbiturate (secobarbital sodium), nonbenzodiazepine (zolpidem tartrate), sedative (sodium oxybate), o melatonin receptor agonist (tasimelteon).
- Gamot na pampagising. Kadalasan, ang mga doktor ay nagrereseta rin ng gamot pampagising, lalo na sa mga pasyente nilang nagtratrabaho. Ang mga gamot gaya ng modafinil at armodafinil ay nakatutulong para manatiling gising at hindi maaksidente ang taong may sleep apnea dahil sa kakulangan sa pagtulog.
- Gamot para sa paghihilik. Para naman mabawasan ang paghihilik, pwede ka ring bigyan ng oxymetazoline, phenylephrine, at pseudoephedrine.
- Pagsasailalim sa therapy. Para gamutin ang sleep apnea, may iba’t ibang klase ng therapy gaya ng Positive Airway Pressure Therapy (PAP) at Oral Pressure Therapy.
- Continuous Positive Airway Pressure Therapy (CPAP). Kabilang sa PAP ay ang Continuous Positive Airway Pressure Therapy o CPAP. Ang CPAP ay hindi isang uri ng pag-oopera. Sa therapy na ito, kakabitan lamang ang pasyente ng nasal mask o mask sa ilong na nakakonekta sa isang tubo at makina. Pagkabuhay ng makina ay magbibigay ito ng sapat na oxygen sa pamamagitan ng ilong ng pasyente. Ito ay upang makahinga nang maayos ang pasyente habang natutulog. Kapag maayos-ayos na ang kalagayan, ang pasyente ay maaaring bumili ng portable o mas maliit na CPAP para patuloy itong gawin sa bahay ayon sa rekomendasyon ng doktor.
- Oral Pressure Therapy. Ang Oral Pressure Therapy naman ay gumagamit ng mouthpiece imbis na nasal mask. Ang mouthpiece ay nakakonekta sa isang tubo at maliit na vacuum para ayusin ang posisyon ng dila at ngala-ngala. Sa pamamagitan nito, nananatiling bukas ang daluyan ng hangin habang natutulog.
- Paggamit ng oral appliances. Ang oral appliances ay maliliit na piraso ng gamit na inilalagay sa bibig para manatiling bukas ang daluyan ng hangin. Halos katulad din ito ng Oral Pressure Therapy, pero walang mga tubo at vacuum na ginagamit kundi mouthpiece o mouth guard na lang. Ang kadalasang naglalagay nito ay mga dentista na eksperto sa medisina ng pagtulog.
- Pagpapaopera. Ang pagpapaopera ay nirerekomenda lamang para sa mga taong labis-labis ang taba sa mukha, lalo na sa leeg. Ang sobrang taba kasi ay nagagawang ipitin at pasikipin ang daluyan ng hangin na posibleng magdulot ng sleep apnea.