Pagpalya ng Puso (Heart Failure)

Gamot at Lunas

Depende sa tindi ng kalagayan, ang pagpalya ng puso (heart failure) ay maaaring malunasan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga gamot o kaya naman ay pagsailalim sa operasyon.

  • Mga gamot. Upang mabigyan ng ginhawa ang pasyente sa kanyang mga nararamdamang sintomas, ang doktor ay maaaring magreseta ng mga sumusunod na gamot:
    1. Pampababa ng presyon. Sa heart failure, hindi na nawawala ang mataas na presyon kung walang iniinom na mga tamang gamot. Upang bumaba ang presyon ng dugo at hindi na lumala pa ang kondisyon, ang mga doktor ay nagrereseta ng mga ACE inhibitor, angiotensin II receptor blocker, at beta blocker. Bukod sa pagpapababa ng presyon, ang mga gamot na ito ay pinababagal din ang mabilis na pagtibok ng puso.
    2. Pantanggal ng manas. Ang mga doktor ay maaari ring magreseta ng mga gamot gaya ng diuretic at aldosterone antagonist. Ang mga gamot na ito ay nakatutulong upang bawasan ang pamamanas ng mga paa, binti, o tiyan ng pasyente.
    3. Pampalakas ng tibok ng puso. Upang makapagdala muli ng sapat na dugo ang puso sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ang mga doktor ay nagrereseta rin ng pampalakas ng tibok ng puso gaya ng inotrope at digoxin.
  • Operasyon – Iba’t ibang klaseng operasyon ang puwedeng isagawa sa pasyenteng may heart failure gaya ng coronary bypass surgery, heart valve repair or replacement, mga implantable cardioverter-defibrillator, at cardiac resynchronization therapy. Bagama’t iba’t ibang pamamaraan ang mga ito, layunin ng lahat ng mga ito ay malunasan ang panghihina ng puso. Kung ang mga operasyong ito ay hindi na angkop sa pasyente, ang pinakahuling solusyon ay ang pagsasailalim sa heart transplant. Sa operasyon ito, kailangan nang palitan ang apektadong puso ng bagong puso mula sa donor nito.