Gamot at Lunas
Image Source: www.oxfordoptometry.ca
Ang myopia o nearsightedness ay madaling malunasan. Depende sa pangangailangan, maaaring gumamit lamang ng mga salamin, mga contact lens, o kaya ay sumailalim sa operasyon at therapy.
- Paggamit ng mga salamin o contact lens. Karamihan ng mga may myopia ay gumagamit ng mga salamin o contact lens upang maitama ang kanilang paningin. Ang pagsusuot ng mga salamin o contact lens ay lubos na inirerekomenda ng mga doktor upang maiwasan ang anumang aksidente sa paglalakad sa labas o maging sa pagmamaneho.
- Operasyon. Kung hindi komportable ang taong may myopia na gumamit ng mga salamin o contact lens, maaari rin siyang sumailalim sa operasyon gaya ng mga ito:
- Laser-assisted in situ keratomileusis (LASIK) – Ang layunin ng LASIK surgery ay bawasan ang labis na pagkakurba ng cornea. Sa operasyong ito, gumagamit ang doktor ng laser upang tanggalin ang mga inner layer ng cornea upang ito ay pumatag nang bahagya. Sa operasyong ito, hindi tinatanggal ang epithelium (outer cover) ng mga mata.
- Laser-assisted subepithelial keratectomy (LASEK) – Gaya ng LASIK surgery, ang LASEK surgery ay may layuning bawasan ang labis na pagkakurba ng cornea. Pero imbes na “inner layer” ng cornea ang tinatanggal nito, gumagamit ang doktor ng laser upang hubugin ang “outer layer” nito. Sa operasyong ito, pinapalitan din ng doktor ang epithelium ng mga mata.
- Photorefractive keratectomy (PRK). Ang PRK ay natutulad sa LASIK surgery. Dito, tinatanggal din ng doktor ang epithelium ng mga mata. Subalit, hindi niya ito pinapalitan na gaya ng sa LASEK surgery. Hinahayaan niya lamang na kusang gumaling ang mga mata hanggang sa magkaroon ang mga ito ng bagong epithelium.
- Vision therapy. Ang vision therapy ay hindi isang uri ng operasyon. Ito ay ang pagsasagawa ng mga simpleng ehersisyo para sa mga mata upang mawala ang pananakit ng mga ito.