Gamot at Lunas
Gaya ng nabanggit, walang lunas ang multiple sclerosis. Kung sadyang napaka-banayad ang nararanasang sintomas ng pasyente, maaring di na ito kailangang gamutin. Kung malala naman ang mga sintomas nararanasan, ang paggamot nito’y nakatuon sa mabilisang paggaling mula sa pag-atake nito. Pinagtutunan din ng pansin ang pagpapa-bagal sa pag-unlad ng sakit na ito.
Paggamot sa pag-atake ng sintomas
- Mga corticosteroid. Ang mga corticosteroid ay isang uri ng gamot na ginagaya ang tungkulin ng cortisol, na isang uri ng hormone na ginagawa ng ating katawan. Layunin ng mga corticosteroid na bawasan ang pamamaga na nararanasan ng mga nerve na apektado ng multiple sclerosis. Mga halimbawa ng corticosteroids ay prednisone, na puwedeng ipainom, at methylprednisolone, na binibigay naman sa pamamagitan ng iniksyon o suwero.
- Pakikipag-palit ng likidong bahagi ng dugo, o plasmapheresis. Ang plasmapheresis ay ang proseso kung saan tinatanggal at hinihiwalay ang plasma mula sa iyong dugo. Pagkatapos nito ay hinahaluan ng isang solusyon ng protina gaya ng albumin ang selula ng dugo, at binabalik ito muli sa iyong katawan. Ang layunin ng plasmapheresis ay upang salain ang mga antibody sa plasma na nakapipinsala sa mga nerve.
Pagpapa-bagal sa pag-unlad ng Multiple Sclerosis at mga sintomas nito
May mga gamot na pwedeng ibigay sa pasyenteng may multiple sclerosis na nagpapabagal ang pagunlad ng sakit na ito. Ilan dito ay ang:
- Beta Interferons – Binabawasan ng gamot na ito kung gaano kadalas bumalik ang mga sintomas ng multiple sclerosis at kung gaano katindi ang mga ito. Iniiniksyon ang gamot na ito.
- Glatiramer Acetate – Nakatutulong ang gamot na ito upang harangan ang mga cells ng immune system sa pag-atake sa myelin sheath. Iniiniksyon din ito.
- Fingolimod – Binabawasan din ng gamot na ito ang pagbabalik ng mga sintomas ng multiple sclerosis. Ang gamot na ito’y iniinom.
- Ocrelizumab – Gaya ng Beta Interferons, binabawasan nito ang pagbalik ng sintomas, pati na rin ang kung gaano katindi ang mga ito.
- Mitoxantrone – Ang gamot na ito ay nahahanay sa mga gamot na pumipigil sa immune system, o immunosuppressant. Layunin ng mga immunosuppressant na pigilan ang lubusang paggana ng mga cells ng immune system para hindi ito mapinsala ang myelin sheath.
Marapat na tandaan na ang mga nabanggit na gamot ay kadalasang may mga side effect na hindi kanais-nais, kaya kailangan na may kasamang pagiingat ang paggamit nito.
Gamot para sa tiyak na sintomas ng Multiple Sclerosis
Kasama ng pagpigil sa pagunlad ng multiple sclerosis ay ginagamot din ang mga iba’t-ibang tiyak na sintomas nito. Mga halimbawa ng ganitong klaseng paggamot ay:
- Pampakalma ng kalamnan, o muscle relaxant – Kapag nakararanas ang pasyente ng paninigas, pwede syang bigyan ng muscle relaxant gaya ng Baclofen.
- Gamot sa panghihina – Ang mga gamot gaya ng Amantadine, Modafinil, at Methylphenidate ay kadalasang nirereseta laban sa panghihina na kaakibat ng multiple sclerosis. Nirerekomenda din ang madalas na page-ehersisyo, pagpapahinga at pagtulog nang tama, at pag-iwas sa mga gamot na pwedeng palalain ang panghihina, gaya ng mga ibang gamot laban sa pananakit.
- Terapiyang pisikal, o physical therapy – Layunin nito na tugunan ang mga kahirapang pisikal na kaakibat ng multiple sclerosis gaya ng kahirapan sa paglalakad.
- Mga aparatong pang-pisikal – Bukod sa terapiyang pisikal, maaring kailangan ding gumamit ng iba’t ibang aparato para sa kahirapang paglalakad at panginginig. Mga halimbawa nito’y mga tungkod, saklay, at pampabigat na ikinakabit sa mga braso.
- Mga gamot para sa ibang karamdaman – Dahil napakalawak ng mga sintomas ng multiple sclerosis, marami pang ibang gamot na pwedeng ireseta ng doktor. Halimbawa ng mga iba pang gamot na ito ay gamot na panlaban sa depresyon, kahirapang matulog, pagkabalisawsaw, at kahirapan sa pagdudumi.