Gamot at Lunas
Madali lamang gamutin ang mitral valve prolapse, lalo na kung ang mga nararamdamang sintomas ay hindi naman gaano kalala. Kadalasan, ang mga doktor ay nagbibigay ng mga sumusunod na medikasyon upang malunasan ito:
- Beta blocker. Ang beta blocker ay kadalasang inirereseta ng mga doktor upang pababain ang presyon ng isang pasyente. Bukod dito, mainam din itong medikasyon upang mabawasan ang iregular na pagtibok ng puso, maging ang pagkahilo.
- Vasodilator. Maaari ring magreseta ang mga doktor ng vasodilator. Ang vasodilator ay mabisang pampagaling ng pananakit ng dibdib.
- Diuretic. Ang diuretic naman ay inirereseta upang matanggal ang sobrang tubig sa mga baga. Nakatutulong ito upang mabawasan ang labis na hirap sa paghinga.
- Aspirin at blood thinner. Ang mga aspirin at blood thinner ay maaaring ireseta upang maiwasan ang pagkalapot o pamumuo ng dugo sa mga ugat.
Bagama’t maaaring malunasan ang mga sintomas ng sakit na ito sa pamamagitan ng mga medikasyon, maaaring hindi ito gumana sa mga mas malalalang mga kaso. Kapag ang mitral valve prolapse ay may kasamang mitral regurgitation o pagbalik ng dugo sa left atrium, ito na ay maituturing bilang mapanganib na kondisyon. Dahil dito, ang mga doktor ay kadalasang magmumungkahi na operahan ang pasyente. Ilan sa mga uri ng pagtitistis na puwedeng gawin ay:
- Valve repair. Kung ang mitral valve ay maaayos pa, magsasagawa lang ang doktor na maninistis ng valve repair.
- Valve replacement. Kung ang mitral valve ay wala nang paraan upang maisaayos pa, kailangan na itong palitan ng bago.