Gamot at Lunas
Para sa mga taong may kanser sa atay na nasa early stage pa lang, maaari pa itong lunasan sa pamamagitan ng operasyon na nag-aalis sa tumor ng atay.
Ang mga pamamaraang ito ay ang mga sumusunod:
- Partial hepatectomy. Ang pamamaraang ito ay ginagamit kung ang tumor ay nasa maliit lamang na bahagi ng atay. Inaalis ang bahaging ito at tinitiyak na maaayos pa ring gagana ang atay matapos ang operasyon.
- Pagpapalit ng atay (liver transplant). Ang pamamaraang ito ay maaari lamang gawin kung mas maliit pa sa 5 cm ang tumor. Mabisa ito sa pagpigil ng pagkalat o laban sa pagkakaroon muli ng kanser sa atay. Subalit, may panganib na maaaring i-reject o hindi tanggapin ng katawan ang bagong atay, bagama’t may mga gamot na maaaring inumin na makatutulong upang maiwasan ito.
May mga pamamaraan din upang lunasan ang mga uri ng tumor na nasa advanced stage na. Subalit, sa mga taong may ganitong uri ng tumor sa atay ay may lubhang mababa na posibilidad ng paggaling. Kaya, ang nilulunasan sa kanilang kondisyon ay ang mga sintomas na lamang nito. Ang mga pamamaraang ito ay ang mga sumusunod:
- Ablative therapy. Sa paraang ito ay direktang itinuturok sa tumor ang mga sangkap na kagaya ng alcohol upang lunasan ang pananakit.
- Radiation therapy. Sa paraang ito ay pinapatay o pinaliliit ang tumor sa pamamagitan ng direktang pagpapatama ng radiation Subalit, ito ay nakapagdudulot ng panghihina, pagkahilo, o pagsusuka sa pasyente.
- Chemotherapy. Sa pamamagitan ng chemotherapy ay may mga itinuturok sa atay na mga kemikal upang patayin ang mga selula ng tumor.