Trangkaso (Flu/Influenza)

Gamot at Lunas

Image Source: newsbeezer.com/portugaleng

Ang trangkaso ay sakit na dulot ng isang virus. Dahil dito, ang mga sintomas nito ay kusang nawawala at sa kalaunan ay gagaling ang may ganitong karamdaman. Pansamantala ay kailangan ng pasyente ng pagpapahinga at pag-inom ng maraming likido kagaya ng juice, tsaa, at tubig. Hindi rin masama ang uminom ng kape. Dagdag dito, ang mga antioxidant na nilalaman nito ay maaaring makatulong sa paggaling. Kailangan lamang itong limitahan sa dalawang tasa kada araw upang maiwasan ang dehydration.

May mga pagkakataon na maaaring resetahan ng mga antiviral na gamot ang mga may trangkaso, lalong-lalo na kung ikaw ay may hika, diabetes, o sakit sa puso. Mga halimbawa nito ay oseltamivir at zanamivir. Ang mga gamot na ito ay maaaring magpaiksi sa karamdaman ng isang araw at makatutulong din sa pag-iwas sa mga mas seryosong komplikasyon.

Gayunpaman, sa dalawang nabanggit na antiviral, ang zanamivir ay bawal gamitin ng mga may sakit sa baga at hika dahil ito ay nilalanghap. Bukod dito, ang mga gamot na antiviral ay may mga side effect, kagaya ng posibleng pagduduwal at pagsusuka.