Gamot at Lunas
Bukod sa naaapektuhan ng bosyo (goiter) ang paglunok at paghinga, ito ay nakababawas ng tiwala sa sarili (self-confidence) ng isang tao. Upang gumaling sa sakit na ito, ang doktor ay maaaring magmungkahi ng mga sumusunod na gamot at lunas:
- Pag-inom ng medikasyon. Kung hindi pa malala ang bosyo, maaari pa itong gumaling sa pag-inom ng medikasyon. Kung ang sanhi ng bosyo ay mga sakit sa thyroid gland gaya ng hypothyroidism o hyperthyroidism, maaari kang resetahan ng levothyroxine, o methimazole at propylthiouracil. Kung namamaga naman ang thyroid, ang doktor ay posible ring magreseta ng aspirin at corticosteroid.
- Radioactive iodine treatment. Hindi ito isang uri ng operasyon. Ang pasyente ay paiinumin lamang ng radioactive iodine. “Radioactive” kasi kaya nitong patayin ang selula ng thyroid na nagreresulta sa pagliit ng bukol.
- Operasyon. Kung ang bosyo ay napabayaan at lumaki ito nang lumaki, kailangan na ng operasyon. Pagkatapos ng operasyon, ang pasyente ay kailangan nang sumailalim sa thyroid hormone replacement therapy habambuhay. Ang thyroid replacement therapy ay ang regular na pag-inom lamang ng mga medikasyon upang hindi na manumbalik ang bosyo.