Gastritis

Gamot at Lunas

Image Source: www.thecandidadiet.com

Ang paglunas sa gastritis ay naka-ayon sa sanhi ng kondisyon. Kapag ito ay sanhi ng mga gamot, iiwasan lamang ang mga gamot na ito. Kung ito naman ay dulot ng H. pylori, ito ay ginagamot sa pamamagitan ng mga uri ng antibiotic laban dito.

Bukod sa mga nabanggit, ang mga sumusunod ay ang iba pang mga lunas sa kondisyong ito:

Proton pump inhibitors (PPI)

Ang mga gamot na ito ay tumutulong upang pigilan ang pagdami ng asido sa tiyan, kagaya ng mga sumusunod:

  • Omeprazole (Prilosec)
  • Lansoprazole (Prevacid)
  • Esomeprazole (Nexium)
  • Ranitidine (Zantac)
  • Famotidine (Pepcid)

Subalit, may mga hindi kanais-nais na epekto ang matagalang paggamit ng mga ito, katulad ng pagkakaroon ng bitak sa mga buto sa balakang, sa mga kamay, at maging sa gulugod.

Antacids

Ang mga antacid ay nagbibigay ng agarang ginhawa laban sa pananakit na dulot ng gastritis. Ito ay sa pamamagitan ng pag-neutralize sa mga asido sa tiyan. Subalit, maaaring magdulot ang mga antacid ng pagtatae o kaya ay ng hirap sa pagdudumi.

Pag-inom ng probiotics

Ang mga probiotic ay mabisa para sa maayos na pagkakaroon ng natural na flora sa tiyan. Ito ay nakatutulong naman sa paglunas sa gastric ulcer. Subalit, dapat malaman na ang mga probiotic ay maaaring hindi makapigil sa pagkakaroon ng malabis na asido sa tiyan.

Uri ng pagkain

Maaari ring magrekomenda ang doktor na baguhin ang uri ng mga pagkain ng taong may gastritis. Ang mga pagkain na dapat piliin upang makatulong sa pagginhawa ng tiyan ay ang mga sumusunod:

  • Mga prutas at gulay
  • Mga pagkaing mayaman sa probiotics, katulad ng yogurt
  • Whole grain na mga tinapay at pasta
  • Karneng walang gaanong taba
  • Protinang galing sa gulay kagaya ng sitaw at soya