Mga Gamot at Lunas
Ang isa sa pinaka-inaasahang lunas sa bato sa apdo (gallstones) ay ang pagtanggal sa mismong apdo. May dalawang uri ng operayon para rito: ang laparoscopic cholecystectomy at ang open cholecystectomy.
- Laparoscopic cholecystectomy. Ito ang pinaka-karaniwang paraan ng pagtanggal sa apdo. Ito ay itinuturing na invasive dahil may mga instrumentong ipapasok sa katawan sa pamamagitan ng mga maliliit na hiwa, kagaya ng kamera at ilaw. Ito ay upang makita ng doktor nang maayos ang loob ng katawan. Ang paraang ito ay mabilis lamang at maaari nang umuwi kaagad ang pasyente pagkatapos ng operasyon.
- Open cholecystectomy. Sa paraang ito ay mas malalaking hiwa ang ginagawa sa tiyan para alisin ang apdo. Maaaring tumagal ang pasyente sa ospital nang ilang araw pagkatapos ng operasyon.
Lunas na walang gamit na operasyon
Kapag hindi maaaring operahan ang pasyente, maaari siyang resetahan ng doktor ng mga gamot na pampalusaw sa gallstones. Maaaring painumin ang pasyente ng chenodiol (Chenodol), ursodiol (Actigall, Urso 250, Urso Forte), o kaya ay ng kombinasyon ng dalawang ito. Subalit, ang mga gamot na ito ay hindi garantisadong ganap na lulusawin ang mga bato sa apdo.