Bungang Araw (Prickly Heat Rash)

Gamot at Lunas

Image Source: www.wikihow.com

Madali nang lunasan ngayon ang bungang araw (prickly heat rash), dahil mayroon nang mga uri ng gamot na panglunas dito. Ang ilan sa mga gamot at mga hakbang sa paglunas sa bungang araw ay ang mga sumusunod:

Paggamit ng mga ipinapahid na mga gamot. Ang calamine lotion ay isa sa mga natural na lunas sa bungang araw. Ipinapahid ito sa apektadong bahagi ng balat upang bigyan ito ng malamig at maginhawa na pakiramdam.

Ang iba pang maaaring ipahid sa apektadong bahagi ng balat upang mabawasan ang pangangati ay ang mga topical steroid at anhydrous lanolin.

Pagsusuot ng mga magiginhawa at tuyong damit. Napakalaki ng maitutulong ng pagsusuot ng mga maluluwag na damit sa paglunas sa bungang araw. Nakatutulong kasi ito sa pag-iwas sa pagpapawis na maaaring namang magdulot ng pagsumpong ng pangangati. Kapag pinawisan, ipinapayo rin na magpalit kaagad ng damit upang mapanatiling tuyo ang apektadong bahagi ng balat.

Pamamalagi sa malamig na lugar. Makatutulong din sa taong may bungang araw ang pamamalagi sa malilim o kaya ay sa mga malalamig na lugar. Kung maaari, mamalagi sa loob ng silid na may air conditioner upang maiwasan ang pangangati ng apektadong bahagi ng balat.

Pag-iwas sa petroleum at mineral oil. Iwasan ang pagpahid sa balat o paggamit ng anumang uri ng produkto na mayroong sangkap na petroleum o mineral oil. Ang mga ito ay napatunayang maaaring magpalala sa mga sintomas ng bungang araw dahil nababarahan ng mga ito ang mga pore, o butas na labasan ng pawis mula sa mga sweat gland.