Mga Gamot at Lunas
Ang paglunas sa atrioventricular block ay batay sa tindi ng kalagayan o uri nito. Ilan lamang sa maaaring isagawang lunas sa pasyente ay ang mga sumusunod:
- Medikasyon. Kung ang atrioventricular block ay first degree lamang, kadalasan ay walang nararamdamng mga sintomas ang pasyente kaya hindi na nangangailangan pa ng medikasyon. Ang mga sintomas ay kadalasang nararamdaman sa second degree at third degree. Dahil ang sakit na ito ay isang mapanganib na kondisyon, kailangang i-confine ang pasyente upang mabigyan ng medikasyon sa pamamagitan ng suwero at maibsan ang mga sintomas. Kadalasan, ang mga ibinibigay na medikasyon ay atropine at isoprenaline. Ang mga gamot na ito ay ginagamit upang mapabilis ang pagtibok ng puso nang sa gayon ay mas mabilis ding makarating ang dugo, oxygen, at nutrisyon sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
- Pacemaker. Sa second degree at third degree na heart block, kailangang lagyan na ng artipisyal na pacemaker ang pasyente. Ang pacemaker ay isang uri ng device na kasinglaki lamang ng credit card. Inooperahan ang pasyente upang i-implant ito sa may bandang dibdib o tiyan. Matapos ang pagkakabit, ang artipisyal na pacemaker na ang pumapalit sa sinus node sa pagbibigay ng mga electrical signal sa puso upang tumibok ito nang maayos.