Ang apdo (gallbladder) ay isa sa mga bahagi ng digestive system ng tao na maaaring magkaroon ng iba’t ibang uri ng mga sakit at karamdaman. Ang isa sa mga kondisyong maaaring umapekto sa bahaging ito ay ang cholecystitis. Ito ay sanhi ng pamamaga na dulot ng pagka-irita sa bahaging nagsisilbing dingding ng apdo. Maaaring ito ay bunga ng mga bato na namuo sa loob ng apdo, o gallstones. Bukod dito ay may iba pang mga sakit at kondisyon na maaaring makapinsala sa apdo na isa-isa nating pag-uusapan sa artikulong ito.Alamin muna natin kung ano ang apdo at ano ang silbi nito sa katawan.
Ang apdo ay isang maliit na hugis-peras na organ na matatagpuan sa ilalim ng atay. Ang pinaka-pangunahing silbi nito ay upang maging sisidlan ng bile na mula sa atay. Mula naman sa apdo, ang bile ay dumadaloy papunta sa maliit na bituka.
Ang bile ay kulay dilaw na likido na nililikha sa loob ng atay. Ito ang ginagamit ng digestive system upang tunawin o durugin ang mga taba mula sa pagkain. Tumutulong din ang sangkap na ito sa paglabas ng dumi sa katawan.
Gaya ng ibang bahagi ng katawan, ang apdo ay maaaring maapektuhan ng iba’t ibang uri ng mga sakit o kondisyon. Ang ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon ng bato sa apdo (gallstones), cholecystitis, acalculous cholecystitis, biliary dyskinesia, at maging ang kanser sa apdo.
Kapag ang apdo ay naapektuhan ng anumang uri ng kondisyon, maaaring magkaroon ng problema sa ibang bahagi ng digestive system na maaari namang humantong sa pagkakaroon ng iba pang kondisyong medikal sa kabuuan ng pangangatawan ng tao.
Ang isa sa pinaka-karaniwang sanhi ng pagkakaroon ng sakit sa apdo ay ang pagkakaroon ng sobrang dami ng kolesterol sa bile na namumuo at nagiging maliliit na mga bato. Ang pagkakaroon naman ng sobrang dami ng bilirubin sa bile, o mga sangkap na mula sa mga nadurog na red blood cell, ay nagdudulot din ng pamumuo ng mga bato sa apdo.
Bukod dito, ang hindi maayos na paggana ng sphincter of Oddi, o ang bahagi na komukontrol sa pagdaloy ng bile, ay nagdudulot din ng sakit at iba pang kondisyon sa apdo.
Ang mga karaniwang sintomas ng sakit sa apdo ay ang pamamaga ng tiyan, pagkakaroon ng kabag, paninilaw ng balat (jaundice), labis na pagkapagod at panghihina, pagkakaroon ng lagnat, maging ang pagkahilo at pagsusuka.
May iba’t ibang paraan sa paglunas sa sakit sa apdo. Ang isa sa mga pangunahin sa mga ito ay ang paglunas sa sakit na nararamdaman ng pasyente sa pamamagitan ng mga gamot. May mga gamot din na ipinaiinom upang durugin at lusawin ang mga bato na namuo sa loob ng apdo. At sa mga malalalang kaso naman ay ipinasasailalim ang pasyente sa cholecystectomy, o ang paraan ng pag-aalis sa apdo sa pamamagitan ng operasyon.
Mula pa sa mga sinaunang sibilisasyon ay may mga paglalarawan na ukol sa apdo, lalo na sa Babilonya noong 2000 B.C.E. Ang mga modelo ng apdo noong mga panahong iyon ay kaugnay ng pagsamba nila sa kanilang mga sinasambang diyos.
Bagama’t nakumpirma ang pagkakaroon ng apdo noong ika-5 na siglo, noon lamang nakaraang dalawang siglo nadokumento ang silbi nito sa katawan, maging ang mga sakit na nakaaapekto dito.
Ang mga bato sa apdo naman ay unang inilarawan sa panahon lamang ng Renaissance. Ito marahil ay bunga ng pagdami ng mga uri ng kinakain ng mga tao noon. Si Anthonius Benevinius naman ang unang umugnay sa pagkakaroon ng bato sa apdo sa mga sintomas nito noong 1506.
Samantala, noon namang 1676 ay isinagawa ang kauna-unahang pag-aalis ng bato sa apdo, o cholecystolithotomy. Ito ay ginawa ng manggagamot na si Joenisius. Noon namang 1867 ay ginawa ni Stough Hobbs ang kauna-unahang cholecystotomy. Ang manggagamot naman na nagsagawa ng kauna-unahang cholecystectomy ay ang Aleman na manggagamot na si Carl Langenbuch noong 1882. Ginawa niya ito sa pasyenteng may cholelithiasis.
Sa kalagitnaan ng ika-20 na siglo ay unang ginamit ang CT scan upang silipin ang apdo. At sa wakas, noong 1985 ay isinagawa ng Aleman na manggagamot na si Erich Mühe ang kauna-unahang laparoscopic cholecystectomy.
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Ang isa sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng sakit sa apdo ay ang biliary colic. Ito ay banayad, subalit karaniwang sintomas na inilalarawan bilang pasumpong-sumpong na pananakit. Ang pananakit na ito ay gumagapang mula sa kanang itaas na bahagi ng tiyan malapit sa tadyang. Ito ay maaaring napakasakit na umaabot hanggang sa itaas na bahagi ng likod.
Ang sakit sa apdo ay maaari ring magdulot ng pamamaga nito. Nagbubunga ito ng pananakit na halos katulad ng nassa biliary colic, subalit mas madalas ang pagsumpong nito at mas malala ang pananakit na nararamdaman ng pasyente. Maaari ring tumagal nang ilang araw ang pananakit.
Ang pababalik-balik naman na sakit sa apdo ay may kasamang pamumuo ng bato, o gallstones. Maaari ring may kasama itong banayad na pamamaga. Sa kondisyong ito, naninigas at nagkakaroon ng peklat ang apdo. Sa ganitong uri ng sakit sa apdo, nakararanas ang pasyente ng kabag, pagduduwal, o ng pananakit ng sikmura pagkatapos kumain.
Kapag ang mga namuong bato sa bahaging ito ng katawan ay nabarahan ang daluyan ng bile, maaaring makaranas ang pasyente ng mga sintomas na katulad ng sa pagkakaroon ng bato sa apdo, kagaya ng mga sumusunod:
Ang isa sa mga pinaka-karaniwang sakit sa apdo ay ang pagkakaroon nito ng bato o gallstones. Ang mga batong ito ay bunga ng pagkakaroon ng malabis na dami ng kolesterol sa loob ng apdo. Ang mga ito ay maaari ring gawa sa namuong bilirubin o mga sangkap ng mga durog na red blood cells mula sa atay.
Namumuo ang mga bato sa apdo kapag nahigitan ng kolesterol ang bile. Kapag nangyari ito, hindi na kayang lusawin ng bile ang kolesterol na gaya ng ginagawa nito. Sa Estados Unidos, ang karamihan sa mga may bato sa apdo ay bunga ng mga namuong kolesterol.
Maaari ring mamuo ang mga bato sa apdo kapag hindi ganap na naubos ang bile mula sa loob nito.
Ang ilan sa mga salik na nagpapataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng sakit sa apdo ay ang mga sumusunod:
Ang paglunas sa sakit sa apdo ay batay sa tiyak na uri ng kondisyon nito. Kabilang sa mga pamamaraan sa paglunas sa alinmang uri ng sakit sa bato ay ang paglunas sa mga sintomas, paglunas sa pamamagitan ng gamot, cholecystectomy, maging ang endoscopic retrograde cholangiopancreatography (ERCP).
Ang isa sa pinaka-karaniwang sintomas ng sakit sa apdo ay ang pananakit. Ito ay karaniwang mararamdaman sa kanang itaas na bahagi ng tiyan. Nilulusanan ang pananakit na ito sa pamamagitan ng mga gamot na anti-inflammatory (NSAID), katulad ng ibuprofen. Maaari ring panlunas dito ang ang opioid na uri ng gamot, kagaya ng morphine. Pero dapat alalahanin na ang mga opiod ay dapat gamitin lamang ayon sa payo ng doktor.
Ang mga bato sa apdo ay maaaring lusawin sa pamamagitan ng bile acid pill, kagaya ng Actigall. Subalit, para sa mga taong mayroong pabalik-balik na bato sa apdo, maaaring hindi umepekto ang gamot na ito. Ito ay sa dahil maaaring tumagal ng ilang taon bago tuluyang malusaw ang mga bato sa apdo sa pamamagitan ng gamot na ito.
Cholecystectomy
Ang maituturing na pinaka-mabisang paraan upang lunasan ang sakit sa apdo ay ang cholecystectomy. Ito ay isang uri ng operasyon na sinasamahan ng general anesthesia at ginagawa gamit ang laparoscopic na paraan. Ang laparoscopic na operasyon isinasagawa sa pamamagitan ng isang manipis na instrumentong nababaluktot na may kamera sa dulo nito. Ito ay isinusuot sa maliit na hiwa sa tiyan. Gamit din ang iba pang mahahabang kagamitang pang-operasyon, gumagawa ng maliliit na mga butas ang surgeon sa tiyan ng pasyente upang alisin ang apdo.
Ang laparoscopic na paraan ng cholecystectomy ay hindi gaanong invasive kung ikukumpara sa open cholecystecomy na nangangailangang gumawa ng malaking hiwa sa tiyan upang alisin ang apdo.
ERCP
Ang endoscopic retrograde cholangiopancreatography (ERCP) ay isang pamamaraan kung saan maaaring makita ng manggagamot ang mga daluyan ng bile upang malaman kung may pinsala o hindi pagkaraniwang kalagayan ito. Sa pamamagitan nito, maaaring makita kung ang apdo ay may bato, cyst, o kaya ay tumor. Kapag may nakitang namumuong bato, maaari na kaagad itong alisin ng doktor. Sa ngayon ay unti-unti nang napapalitan ng ERCP ang ibang operasyon sa pagtanggal ng anumang bara sa daluyan ng bile.
Pinakamainam pa rin ang pag-iingat upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa apdo. Ang ilan sa mga hakbang na makatutulong upang magawa ito ay ang mga sumusunod:
Ang kakulangan ng pagkilos ng katawan ay maaaring humantong sa pagkakaroon ng diabetes, labis na katabaan, maging ng pagkakaroon ng metabolic syndrome. Ang mga kondisyong ito ay kaugnay ng pagkakaroon ng sakit sa apdo, lalo na ng pagkakaroon ng bato sa bahaging ito ng katawan.
Kabag higit sa normal ang timbang ng katawan, iwasan ang pagbawas nito sa mabilis na paraan. Ito ay dahil ang mabilis na pagbaba ng timbang ng katawan ay may kaugnayan din sa pagkakaroon ng kondisyon sa apdo.
Narito ang iba’t ibang uri ng mga sakit sa apdo at ang pagpapakilala sa ilan sa mga sintomas ng bawat isa:
Ang artikulong ito ay isinulat ng mga kawani ng Mediko.PH sa ilalim ng medikal na pangangasiwa at pagsusuri ni Dr. Anthony C. So, MD. Ang artikulong ito ay naglalayong magbigay ng wasto at maaasahang impormasyon na may kinalaman sa kalusugan. Gayunpaman, hindi ito opisyal na personalisadong payong medikal, diagnosis, o reseta. Pinapayuhan ang mga mambabasa na kumonsulta sa doktor para sa tamang pangangalaga.