Mga Nilalaman
Kaalaman tungkol sa Saluyot bilang halamang gamot
Scientific name: Corchorus catharticus Blanco; Corchorus olitorius Linn.; Corchorus lobatus Wildem.; Corchorus decemangularis Roxb.
Common name: Pasau, Saluyot (Tagalog); Red Jute, Bush Okra (Ingles)
Ang saluyot ay kilalang halaman na kinakain bilang gulay sa maraming lugar sa Pilipinas lalo na sa hilagang bahagi ng Luzon. Ang halaman ay maliit lamang, may dahon na tusok-tusok ang gilid, at may dilaw na bulaklak sa tuktok. Karaniwang nakikitang tumutubo malapit sa mga palayan sa buong kapuluan ng Pilipinas.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Saluyot?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang saluyot ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang dahon ng saluyot ay makukuhanan ng anthocyanin, alkaloids, terpenoids, tannins, flavonoids, cardiac glycosides.
- Mayaman din ito sa calories, protein, fat, carbohydrate, fiber, calcium, phosphorus, iron, sodium, potassium, beta-carotene, thiamine, riboflavin, niacin, at ascorbic acid.
- Ang mga buto naman ay may taglay na alkaloids, tannins, flavonoids, glycosides, saponin, cardiac glycosides, anthraquinones, steroids, at volatile oil
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang dahon ay karaniwang nilalaga at pinapainom sa may sakit. Maaari din itong patuyuin at pulbusin bago ihalo sa inumin.
- Buto. Ang maliliit na buto ng saluyot ay karaniwan ding ginagamit sa panggagamot. Ito ay maaaring dikdikin at ihalo sa inumin, pulot, o sa pinaglagaan ng luya.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Saluyot?
- Hirap sa pag-ihi. Maaaring inumin ang pinaglagaan ng dahon ng saluyot para maibsan ang hirap sa pag-ihi.
- Pagtatae. Maaari namang ipainom sa pasyenteng dumadanas ng pagtatae ang dinikdik na buto ng saluyot na hinalo sa pulot. Mabisa din kung iinumin ang salabat na hinaluan ng dinurog na buto.
- Lagnat. Matutulungan namang mapababa ang mataas na lagnat kung iinumin ang tubig na hinaluan ng dinikdik na buto ng saluyot. Ang pinagbabaran din ng dahon ay maaaring inumin para maibsan ang lagnat.
- Hirap sa pagdumi. Ang pag-inom pa rin sa inumin na hinaluan ng dinikdik na buto ng saluyot ay makatutulong din sa kondisyon ng hirap sa pagdumi.
- Tulo. Ang tulo o gonorrhea ay matutulungan naman ng pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng saluyot.
- Kawalan ng gana sa pagkain. Matutulungan din na mapalakas ang gana sa pagkain kung iinumin ang pinagbabaran ng dahon ng saluyot.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.