Mga Nilalaman
Kaalaman tungkol sa Parsley bilang halamang gamot
Scientific name: Petroselinum crispum; Petroselinum hortense
Common name: Parsley (Ingles at Tagalog)
Image Source: kalusugan.ph
Ang halamang parsley ay kilala bilang pampalasa o pampaganda sa mga presentasyon ng mga pagkain. Ito ay may maliliit lamang na dahon at madilaw na mga bulaklak. Madaling tumubo ito sa kahit saang lugar maging sa Pilipinas.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Parsley?
Ang iba’t ibang bahagi ng parsley ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang ugat ay may taglay na apiol at myristicin.
- Mayroon din itong flavonoids, apioside, luteolol, apigenol at Vitamins A, B, C
- Mayroon pang mineral na iron, calcium, phosphorus, magnesium, sodium, potassium, iodine, manganese, sulfur
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Ang ilang bahagi ng halaman ay maaaring magamit sa panggagamot:
- Dahon. Ang dahon ay maaaring katasan o ilaga upang mainom. Maaari din itong dikdikin upang ipantapal sa ilang kondsiyon.
- Buto. Ang mga buto ay maari ding ilaga upang magamit sa panggagamot.
Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Parsley?
- Hika. Ang katas ng dahon ng parsley ay maaaring inumin upang maibsan ang sintomas ng hika. Maaari din itong ilaga upang mas madaling mainom.
- Ubo. Ang pinaglagaan ng dahon ng parsley ay mabisang panlunas sa ubo.
- Kagat ng insekto. Ang mga kagat ng insekto na may dalang pangangati at iritasyon ay maaaring tapalan ng dinikdik na dahon ng parsley.
- Kuto at lisa. Ang mga peste sa buhok ay maaaring maalis sa tulong ng paghuhugas ng pinaglagaan ng mga buto ng parsley.
- Iregular na regla. Makatutulong din sa mas maayos na daloy ng regla ang regular na pag-inom sa pinaglagaan ng dahon.
- Impatso. Ang pinaglagaan ng buto ay iniinom din para maginhawaan ng pananakit ng tiyan dahil sa impatso.
- Kabag. Matutulungang maalis din ang kabag sa tiyan kung makakainom ng pinaglagaan ng buto.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.