Paraiso

Kaalaman tungkol sa Paraiso bilang halamang gamot

Scientific name: Melia azedarach Linn.; Melia chinensis Sieber ex Miq.; Melia japonica G. Don

Common name: Paraiso (Tagalog); Bead Tree (Ingles)

Ang halamang paraiso ay isang maliit na puno na kilalang tumutubo sa mabababang lugar sa Pilipinas. Karaniwan itong tinatanim bilang halamang ornamental sa mga gilid ng kalsada at mga parke. Ang bulaklak nito ay mahalimuyak at kulay lila. Ang mga bunga na maliliit at bilog-bilog.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Paraiso?

Ang iba’t ibang bahagi ng paraiso ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Makukuha sa katas ng dahon ang alkaloids, tannins, saponins, phenols, steroids, terpenoids, glycosides, at flavonoids
  • Ang balat ng kahoy ay may taglay na margosin at azadarin
  • Ang bunga naman ay nakuhanan ng langis na may talgay na butyric acid, valeric acid, stearic acid, palmitic acid, oleic acid, linoleic acid, arachidic acid, liquoceric acids

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Ugat. Maaaring magamit ang ugat sa panggagamot sa pamamagitan pag-inom sa pinaglagaan nito.
  • Balat ng kahoy. Maaari din inumin ang pinaglagaan ng balat ng kahoy o kaya ay ipantapal ang dinikdik na balat ng kahoy sa katawan.
  • Dahon. Karaniwan namang dinidikdik ang dahon ng at pinantatapal sa ilang kondisyon o kaya naman ay inumin ang pinaglagaan.
  • Bulaklak. Ang mabangong bulaklak ay mabisa rin kung iinumin ang pinaglagaan.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Paraiso?

  1. Bulate sa tiyan. Mahusay na pampurga sa bulate sa tiyan ang pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng paraiso. Ang pinaglagaan din ng balat ng kahoy ay may kapareho ding epekto.
  2. Malaria. Isang mabisang gamot para sa sakit na malaria ang pinaglagaan ng ugat ng halaman.
  3. Lagnat. Mabisang pampababa din ng lagnat ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy.
  4. Ketong. Sinasabing makatutulong para sa sakit na ketong ang pagtatapal ng balat ng kahoy sa balat na may ketong.
  5. Kuto at lisa. Ang dinikdik na bulaklak ng halaman ay maaaring ilagay sa buhok upang maremedyohan ang kuto at lisa sa ulo.
  6. Pananakit ng ulo. Ang pinagsamang dinikdik na dahon at bulaklak ay mabisa para sa pananakit ng ulo.
  7. Pananakit ng sikmura. Iniinom din ang pinaglagaan ng dahon para magamot ang pananakit ng tiyan.
  8. Bungang araw. Matutulungan din ng dinikdik na bulalklak ang kondisyon ng bungang araw sa balat.
  9. Pigsa. Ang dinikdik na dahon ay maaaring ipantapal sa pigsa upang mabilis na gumaling.
  10. Galis. Mabisang panlunas din sa paggagalis sa balat ang paglalagay ng langis ng paraiso sa apektadong balat.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.