Mga Nilalaman
Kaalaman tungkol sa Kape bilang halamang gamot
Scientific name: Coffea arabica Linn.
Common name: Kape (Tagalog); Coffee (Ingles)
Ang kape ay isang kilalang inumin na yari sa tinustang buto ng halamang kape. Ang mga buto ay nagmumula sa puno na may katamtamang taas na karaniwang tumutubo sa mabababa at mataas na lugar. Mayroon itong dahon na may makinis na tekstura, at bulaklak na maputi ang kulay. Orihinal itong nagmula sa bansang Arabia, ngunit ngayon at kalat na sa buong mundo.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Kape?
Ang iba’t ibang bahagi ng kape ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Taglay ng kape ang mga substansyang caffeine, adenine, xanthine, hypoxanthine, guanosine at proteids
- Ang mga dahon ay mayroon ding alkaloid at caffeine
- Ang bunga naman ng kape ay makukuhanan ng caffeine, mallic acid, mannite, invert sugar at saccharose
- Makukuha sa buto ang mga substansyang gallic acid, citric acid, proteids, sugar, legumin, glucose, dextrine, coffeo-tannic acid, fat, at volatile oil na caffeol
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Ang dahon ng kape ay maaaring ilaga o ibabad sa tubig na inumin upang magamit sa panggagamot.
- Buto. Ang tinustang buto ng kape na kilalang inumin ay may benepisyo din sa kalusugan.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Kape?
- Sirkulasyon ng dugo. Nakapagpapabuti ng daloy ng dugo sa katawan ang pag-inom ng kape. Minsan, maaari din inumin ang pinaglagaan ng dahon para dito.
- Hika. Ang tinustang buto ng kape na ginawang inumin ay sinasabing mahusay na gamot para sa hika kung regular na iinumin.
- Typhoid fever. Makatutulong naman maiwasan ang paglala ng sakit ng typhoid fever kung madalas iinom ng kape.
- Pagkakalasing. Ang matapang na kape ay mabisang lunas sa matinding pagkakalasing.
- Pananakit ng ulo. Ang caffeine mula sa inuming kape ay mabisang pang-alis sa pananakit ng ulo. Dapat uminom ng matapang na kape kung sakaling makaranas ng pananakit.
- Hirap sa pag-ihi. Mabisang pampaihi din pag-inom ng kape.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.