Bani

Kaalaman tungkol sa Bani bilang halamang gamot

Scientific name: Pongamia pinnata Linn.; Pongamia glabra Linn.; Pongamia mitis Merr.

Common name: Bani, Balot-balot; Kadol (Tagalog); Pongam, Pongam oil tree (Ingles)

Ang bani ay isang mataas na puno, may malalapad at makinis na dahon, at may mababango at kulay lila o puti na bulaklak. Ang mga buto ay nasa loob ng matigas na balat. Karaniwang nakikitang nakatanim malapit sa mga dalampasigan, at sa probinsya ng Laguna na malapit sa lawa.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Bani?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang bani ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang halaman ng bani ay may taglay na ilang mga kemikal gaya ng emethoxy-kanugin, gamatay, glabrin, glabrosaponin, kaempferol, kanjone, kanugin, karangin, neoglabrin, pinnatin, pongamol, pongapin, quercitin, saponin, b-sitosterol at tannin
  • Ang buto ay nakukuhanan ng langis na kung tawagin ay pongam oil
  • Ang langis ng bani ay mayroong myristic, palmitic, stearic, arachidic, lignoceric, dihydroxystearic, linolenic, linolic, at oleic acids

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Buto. Ang buto ng bani na karaniwang kinukuhanan ng langis ay maaaring gamitin sa panggagamot. Ginagamit na pampahid sa balat ang langis na nakukuha dito.
  • Ugat. Ang ugat ay maaring ilaga upang makuhanan ng katas. Ito ay pinapmpapahid sa apektadong bahagi ng katawan. Ito rin ay dinidikdik at pinangtatapal sa ilang karamdaman.
  • Balat ng kahoy. Ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ay maaring ipangpahid sa katawan o kaya ay inumin.
  • Dahon. Maaari ding inumin ang pinaglagaan ng dahon para sa ilang karamdaman, o kaya naman ay dikdikin at ipantapal sa katawan.

Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring matulungan ng Bani?

  1. Rayuma. Ang pinaglagaan ng ugat, dahon at balat ng kahoy ay mabisang lunas sa nananakit na mga kasukasuan. Ito ay maaring inumin. Maaari din namang ipambabad sa bahaging nananakit ang pinaglagaan ng dahon.
  2. Dyspepsia. Maaring inumin din ang pinaglagaan ng dahon para malunasan ang pananakit ng tiyan dahil sa dyspepsia.
  3. Bed sores. Ang pagsusugat dahil sa patagal na pagkakahiga ay maaring malunasan sa pamamagitan ng paghuhugas gamit pinaglagaan ng ugat ng halaman.
  4. Almoranas. Makatutulong ang pagsisiksik sa butas ng puwit ng dinikdik na dahon na nirolyo sa isa pang dahon. Ito’y hahayaan ng isang buong gabi.
  5. Eczema. Ginagamit para sa kondisyon ng pamamaga sa balat ang langis ng buto ng bani.
  6. An-an. Mabisa din para sa an-an ang pagpapahid ng langis ng bani sa apektadong balat.
  7. Galis sa balat. Ginagamit pa rin ang langis ng bani para sa pagkakaroon ng galis sa balat.
  8. Ubo. Iniinom naman ang pinaglagaan ng dahon ng bani para malunasan ang pag-uubo.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Mediko.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.