Sa ngayon, wala pang gamot na direktang makapagpapagaling sa impeksyon ng coxsackieviruses. Ito ay kusang gumagaling matapos ang isang linggo o 10 araw ng pagkakasakit. Ang tanging magagawa lamang ay ang pagkalinga sa pasyente upang maibsan ang mga sintomas na nararanasan. Narito ang ilan sa mga mahusay na paraan ng pag-aalaga sa may sakit ng Hand Foot and Mouth Disease:
- Pagpapahid ng gamot para sa mga sugat sa bibig nang maibsan ang pananakit nito. Maaaring gumamit ng anumang topical-oral anesthetic.
- Pag-inom ng mga over-the-counter na gamot bilang pangontra sa pananakit. Maaaring uminom ng paracetamol o kaya ay ibuprofen.
- Pagpapakain sa bata ng malalambot upang mas madaling malunok.
- Pag-iwas sa mga maaanghang at maaalat na pagkain upang mabawasan ang pananakit ng mga sugat sa bibig.
- Makatutulong din ang pag-inom ng malalamig na inumin o kaya gatas.
 
                